Home NATIONWIDE Boying ‘di papalitan sa DOJ – spox

Boying ‘di papalitan sa DOJ – spox

MANILA, Philippines – Todo-tanggi ang Department of Justice (DOJ) sa mga balita na papalitan na si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Bunsod ito ng ulat na may sakit ang Kalihim at hindi nakakapasok sa kanyang tanggapan.

Ayon kay DOJ Spokesman Atty. Mico Clavano, walang katotohanan ang naturang alegasyon, nagpapahinga lamang aniya ang kalihim at tiniyak na muling magrereport sa trabaho.

Sinabi ni Clavano na mahalaga ang tungkulin ni Secretary Remulla kaya mananatili aniya sa puwesto ang kalihim.

Dinagdag pa ni Clavano na ang mga nagkakalat lamang ng nasabing impormasyon ay mga nagnanais na makapuwesto sa kagawaran.

Matatandaang mahigit isang buwan na rin na hindi nagtutungo sa DOJ si Remulla ngunit noong December 29, 2023 ay lumutang ang kalihim sa DOJ at nagpatawag ng press conference.

Sa pagharap sa media, nilinaw ni Remulla na hindi totoo ang balita sa social media na siya ay nasa ICU at lalong hindi totoo na siya ay inatake sa puso.

Sa naturang presscon tiniyak din ni Remulla na siya ay papasok na sa kanyang tanggapan ngayong Enero. Teresa Tavares

Previous articleTetanus cases sa bansa binabantayan ng DOH
Next articleTraslacion litter-free sigaw ng envi group