Home METRO Braso ng tao nakuha sa tiyan ng pating

Braso ng tao nakuha sa tiyan ng pating

PALAWAN – NAGULANTANG ang mangingisda at mga residente sa kanilang nasaksihan matapos malaglag ang isang braso ng tao mula sa tiyan ng pating na nahuli habang kinakatay, sa bayan ng Araceli.

Sa ipinalabas na report ng Palawan Police Provincial Office nitong Huwebes, Pebrero 27 nagtungo sa kanilang tanggapan ang isang mangingisda para ipagbigay-alam hinggil sa braso ng tao na nakuha nito sa loob ng tiyan ng pating na kanilang nahuli.

Ayon sa mangingisda, habang nasa gitna sila ng laot na sakop ng Barangay Calandagan, Araceli malapit sa isla ng Canaron, nangingisda gamit ang hook nang mahuli ang pating na may bigat na 20-kilo.

Pagdating sa daungan, kinatay na nila ang nahuling pating para ibenta sa mga naghihintay na residente.

Habang nasa gitna ng pagkakatay, bigla na lamang nalaglag ang braso ng isang tao na may 12 pulgada ang haba.

Agad na inilibing ng mangingisda ang braso ng tao para hindi na ito mangamoy pa.

Nagtungo naman ang mga tauhan ng Araceli Municipal Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, noong Pebrero 17, 2025 sa nasabing barangay para kuhaan ito ng fingerprint subalit nabulok na ang braso.

Samantala, naglabas ng opisyal na pahayag ang Sangguniang Barangay ng Calandagan na nagpapaliwanag na hindi nila isiniwalat sa publiko ang insidente upang maiwasan ang kalituhan at upang bigyang-daan ang mga awtoridad para sa tamang disposisyon. Mary Anne Sapico