MANILA, Philippines- Iniulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief, General Romeo Brawner Jr. ang pag-unti ng pwersa ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), kung saan bumaba ang bilang ng insurgent fighters sa 1,111 mula 2,200 noong nakaraang taon, at bumulusok din ang kanilang firearms cache ng halos 1,000 armas.
Sa isang press briefing kasunod ng 6th National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Committee Meeting sa Malacañang noong Nov. 8, sa pangunguna nina NTF-ELCAC Chairman at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Brawner na tinapyasan ng pinaigting na anti-insurgency operations ang pinahinang guerilla fronts mula pito sa apat.
Subalit, nagbabala si Brawner na ilan sa natitirang mga rebelde ang ipinagpapaliban ang kanilang pagsuko upang samantalahin ang darating na 2025 elections.
“Most of the remaining fighters want to surrender, but the upcoming elections are a barrier,” paliwanag niya.
Upang buwagin ang natitirang guerrilla fronts sa pagtatapos ng 2024, pinaiigting ng AFP ang operasyon nito at sinusuportahan ang rebel reintegration sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), na nag-aalok sa mga dating rebelde ng pagkakataong makabalik sa lipunan, muling makasama ang kanilang mga pamilya, at magsimulang muli.
“We tell them the holiday season is an ideal time to return to the fold,” ani Brawner, iginiit ang commitment ng pamahalaan sa pagbibigay ng amnesty at suporta. RNT/SA