MANILA, Philippines – Pinuri ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang isang barangay chairman sa Maynila at isang Gen Z vlogger mula sa Parañaque sa kanilang pagpoprotekta at pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga hayop.
Sa kanyang programang ‘Morning Chill’ sa DWAN 1206 AM, pinuri ng senador si Roland Gacula, chair ng Barangay 310 sa Maynila para sa grassroots program nito na kinabibilangan ng libreng bakuna laban sa rabies sa mga alagang hayop sa kanyang nasasakupan.
“Napakaganda nitong binabakunahan ang mga alagang aso at pusa. Nagpapakita ito na talagang nakatutok kayo sa animal rights,” sabi ng senador kay Gacula.
Ang Barangay 310 ay matatagpuan sa isang abala at mataong distrito sa Maynila na kinabibilangan ng mga seksyon ng Quezon Boulevard at Recto Avenue, at Manila City Jail.
Napansin din ng senador na malapit ang lugar sa Arranque pet market, na aniya ay lalong nagpapahalaga para sa komunidad na manatiling ‘rabies free’.
Sa isang hiwalay na panayam, pinuri rin ni Tolentino si Raevin Bonifacio, isang Generation Z vlogger, na mayroong 1.1 milyong followers sa social media at kilala sa online sa kanyang animal rescue videos.
Sa ngayon, daan-daang asong ligaw, inabandona, at inaabuso ang nailigtas ni Bonifacio.
“I turned a section of our backyard into a mini animal shelter, that’s where I help the rescued dogs recover, after which I look for new parents to adopt them so that they would have a new home and family,” ibinahagi niya sa senador.
Si Tolentino mismo ay isang animal rights advocate. Kamakailan ay binanggit niya ang ideya na ilipat ang Manila Zoo sa kilalang Masungi Georesereve sa Baras, Rizal na aniya ay magbibigay-daan sa mga hayop sa ilalim ng pangangalaga ng zoo na mamuhay sa mas magandang kondisyon o sa kanilang natural na tirahan. RNT