MANILA, Philippines- Kailangang bayaran ang overtime ng mga security guard na nagtatrabaho sa ilalim ng broken period scheme kung masyadong maikli ang kanilang break para gamitin sa personal na pangangailangan.
Sa isang desisyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, inatasan ng Third Division ng Korte Suprema ang Seabren Security Agency (Seabren) na bayaran ang mga security guard na sina Lorenzo D. Cambila, Jr. at Albajar S. Samad (mga security guard) sa apat na oras na pahinga o agwat na kinakailangan nilang gugulin sa trabaho, lampas sa walong oras na regular duty hours.
Itinalaga ng Seabren sa Ecoland 4000 Residences ang mga security guard sa 12-hour shift na may apat na oras na break sa pagitan. Dahil sa schedule, sila ay may apat na oras na trabaho, apat na oras na pahinga, at apat na oras ulit na trabaho.
Sa ilalim ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code, ang mga break ay itinuturing na oras ng trabaho kung ito ay masyadong maikli para gamitin sa personal na pangangailangan.
Sinabi ng Korte Suprema na ang apat na oras na pahinga sa pagitan ng shift ay dapat bilangin na oras ng trabaho dahil hindi rin magagamit ang nasabing oras ng mga guwardiya para sa kanilang sarili. Hindi praktikal at magastos para sa mga security guard na kumikita ng minimum wage na umalis sa trabaho, umuwi, at pagkatapos ay bumalik sa parehong araw.
Dagdag pa ng Korte, ang “broken period scheme” na ipinatupad ng Seabren ay idinisenyo para maiwasan ang mga Labor law at overtime pay. Teresa Tavares