MANILA, Philippines- Ilang araw bago Valentine’s Day, bumisita si Dawn Cuenzo Salmo sa isang campsite sa Tanay, Rizal kasama ang ilang mga kaibigan matapos ang heartbreak.
Ayon sa ulat nitong Miyerkules, upang ilabas ang hinanakit, nagsisigaw si Salmo sa isang rented campsite sa kabundukan ng Rizal nitong umaga ng February 10.
Subalit, kinompronta ng isang campsite staffer ang 32-anyos na si Salmo sa paglalabas nito ng kanyang saloobin, kung saan bigla na lamang siyang sinapak sa mukha ng lalaki sa kasagsagan ng kanilang pagtatalo.
Makikita sa video na tinatanong ng staff member si Salmo, “Sino ba minumura mo?”
Tugon naman ng biktima, “Ayun yung bundok!” saka siya sinapak ng lalaki.
“Yung bundok po talaga yung minumura ko. Broken-hearted po kasi talaga ako. May boyfriend po ako tapos stressed din po ako sa buhay, ang daming problema, ang daming iniisip,” wika ni Salmo.
Sa video ni Salmo, gumanti siya sa campsite staffer na umatake sa kanya. Maririnig sa video ang isa sa mga kaibigan ni Salmo na ipinaliliwanag na inilalabas nito ang hinanakit mula sa nakaraang relasyon at walang ibang pinatutungkulan.
“Sabi ko, ‘Bakit mo ako sinaktan? Nagbayad ako dito, nagbayad kami dito. Guest niyo kami dito, bakit nananakit ka?’” anang galit na si Salmo na inawat ng kanyang mga kasamahan.
Nadakip ang campsite staffer sa araw ng insidente at kasalukuyang nakaditine sa Tanay Police Station. Hindi siya nagbigay ng pahayag.
Ayon sa mga pulis, ipinaliwanag ng staffer na naganap ang insidente ng umaga kung kailan natutulog pa ang ibang tao. Aniya, kinailangan niyang sitahin ang camper sa mga aksyon nito,
“Umagang-umaga ‘yun, more or less 6 a.m. ng umaga. May natutulog pa na ibang guests, mga katrabaho nila, mga pamilya malapit doon sa campsite na ayaw niya maistorbo,” ayon kay Tanay Police chief Police Lieutenant Col. Norman Cas-oy.
Makikita sa video ang pagkompronta ng lalaki sa campers, pagpapalabas sa mga ito sa mga tent at pagpapaalis sa kanila.
Nakakulong ang staffer at mahaharap sa kasong slight physical injury.
“Dapat po naghihinay-hinay po siya. Pwede naman po niya kami tanungin eh o paalisin, hindi yung bigla na lang siyang mananakit,” giit ni Salmo.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng campsite sa social media, sinabing aaksyunan nila ang insidente at hindi kumakatawan sa kanilang mga empleyado ang ginawa ng suspek. Tiniyak din nitong hindi na ito mauulit sa hinaharap. RNT/SA