MANILA, Philippines – Nanawagan ang mga samahan ng mga maliliit na custom brokers at importer sa mga kinauukulan lalo na sa mga mambabatas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na gumawa ng batas na sumasaklaw sa pag-regulate sa paniningil ng container deposit ng mga shipping lines.
Sa isang Balitaan, binigyan diin ni Danny Sta. Maria na representante ng Samahan ng mga Brokers na ang pang-iipit o matagal na pag-refund ng mga shipping lines sa kanilang container deposits na mula sa halagang P15,500 pataas ay napakatagal at inaabot pa ng ilang buwan.
Binigyan diin ni Sta. Maria na dati naman aniya ay walang container deposit hanggang sa dumating ang pagkakataon ng nagpataw ng deposits ang ilang shipping lines na ginaya na rin ng iba pa.
Paliwanag niya, dahil hindi agad ibinabalik ang kanilang pera o deposito kahit isinaoli na ang mga empty container, ang nangyayari ay tumataas din ang mga bilihin na siyang nakakaapekto sa mga konsyumers.
Sinabi pa ni Sta. Maria na ang patuloy na pang-iipit sa mga deposits ay nagpapabigat sa mga importer at broker na maari nilang ikarga sa ‘cost of commodity’ na ang unang maapektuhan at tatamaan naman ay mga konsyumer.
Panawagan pa niya na sana mabigyan sila ng pansin at matulongan dahil naniniwala aniya sila na nais ng gobyerno na gustong mabawasan ang korupsyon.
Suportado naman ni Henry Villa, na isang license broker at executive vice president ng Chambers of Custom Broker Inc.,–ang national organization ng mga customs brokers si Sta. Maria.
Aniya ang pagpapatakbo sa mga shipping lines ay wala talagang nagre-regulate kaya lagi nilang inilalaban aa Kongreso.
“Kasi pag sinabi mong Bureau of Customs hindi sila nagre-regulate ng shipping line, pag sinabi naming sa PPA, hindi rin sila nagre-regulate ng shipping line, then MARINA hindi rin nagre-regulate ng shipping line as well as DTI so any charges puwedeng iimpose ng international shipping lines kasi walang nagre-regulate na government agency”.
Dagdag pa ni Villa, base sa mga pagdinig sa Senado, hindi aniya direktang masagot ng PPA na mawawala ang container deposits. Jocelyn Tabangcura-Domenden