Home HOME BANNER STORY BRP Sierra Madre, nasa EEZ ng Pinas! – PCG

BRP Sierra Madre, nasa EEZ ng Pinas! – PCG

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Martes, Agosto 8 na ang BRP Sierra Madre na nakatalaga sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea ay nasa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ginawa ang pahayag ng PCG isang araw matapos hilingin ng China na alisin ang barko sa Ayungin Shoal na tinatawag nitong Ren’ai Jiao.

Sinabi ni West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela sa panayam ng GMA na wala itong natatandaan na nangako ang ating gobyerno na tatanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

“Secondly, I would like to agree with you na ang Ayungin Shoal has only a distance of 115 nautical miles from Palawan. So it means it falls within the exclusive economic zone of our country and we have sovereign rights and jurisdiction over these waters,” sabi ni Tarriela.

Ginawa ng Chinese Ministry of Foreign Affairs nitong Lunes ang pahayag habang nagbibigay ito ng mga komento sa pagpuna ng US State Department sa mga barko ng China na humaharang sa mga bangka ng Pilipinas sa isang resupply mission para sa BRP Sierra Madre noong Agosto 5.

Ayon sa PCG, gumawa ng delikadong maneuvers ang China Coast Guard at gumamit pa ng water cannons laban sa Pilipinas vessels upang magresupply sa BRP Sierra Madre.

Ilang bansa naman ang nagbigay ng suporta sa Pilipinas sa pangunguna ng United States, Australia, Japan, and Canada — at pinuna ang ginawa ng China, ang pinakahuling insidente ng panghaharass laban sa barko ng Pilipinas.

Sinabi ng Beijing na ang mga barko ng Pilipinas ay pumasok sa Ayungin Shoal at nilabag ang kanilang mga batas nang magsagawa ito ng supply mission.

Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang Ayungin ay bahagi ng 200-nautical mile EEZ ng Pilipinas.

Hulyo 2016 nang binasura ng UN Permanent Court of Arbitration sa The Hague, batay sa kasong isinampa ng Pilipinas, ang nine-dash line claim ng China na sumasaklaw sa buong South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea.
Tumanggi ang China na kilalanin ang desisyon.

Ayon sa ulat ng Reuters nitong Martes, sinabi ng ambassador ng China sa Pilipinas na si Huang Xilian, na paulit-ulit na nagsagawa ng unilateral na aksyon ang Pilipinas sa pinag-aagawang shoal.

Iniulat na sinabi ni Huang na ang China ay naghihintay ng feedback mula sa panig ng Pilipinas, at umaasa na simulan ang pag-uusap sa lalong madaling panahon. Jocelyn Tabangcura-Domenden