Home NATIONWIDE BRP Teresa Magbanua inalis muna sa pagbabantay sa ‘monster ship’ ng Tsina

BRP Teresa Magbanua inalis muna sa pagbabantay sa ‘monster ship’ ng Tsina

MANILA, Philippines- Pansamantalang inalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) mula sa tungkulin nitong hamunin ang presensya ng “monster ship” ng China Coast Guard (CCG) sa baybayin ng Zambales.

Ayon kay PCG spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, ang BRP Teresa Magbanua ay pabalik na sa Port of Manila.

Ang barko ng PCG ay idineploy upang hamunin ang presensya ng monster ship ng China hanggang mapilitan itong bumalik sa Port of Bataan noong Enero 13 para sa repair nang mag-overheat ang makina nito.

Sa ngayon, naiwan ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) upang bantayan ang 12,000 ton CCG-5901 na gumagala sa baybayin ng Zambales sa layong 60 hanggang 90 nautical miles.

Sinabi ni Tarriela na ang BRP Gabriela Silang ay humigit-kumulang 300 hanggang 500 yarda ang layo mula sa monster ship ng China.

Bagama’t hindi agresibo ang monster ship, sinabi ni Tarriela na ang presensya nito sa karagatan ng Pilipinas ay hindi maaaring mahulog sa ilalim ng prinsipyo ng innocent passage o kalayaan sa paglalayag.

Noong Enero 14, nanawagan ang National Task Force on the West Philippine Sea sa China na alisin ang monster ship sa karagatan ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden