Home HOME BANNER STORY BSP: Na-scam na pera posible pang mabawi kung…

BSP: Na-scam na pera posible pang mabawi kung…

1
0
(c) Danny Querubin

MANILA, Philippines – Posibleng mabawi ang perang nawala sa scam kung agad itong mai-report at maaabutan pa ang pondo bago mailipat o ma-withdraw, ayon sa mga patakaran ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa ilalim ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA).

Sa ilalim ng Republic Act No. 12010 at BSP Circular No. 1215, maaaring pansamantalang i-hold ng mga financial institution ang pondong sangkot sa isang disputed transaction habang isinasagawa ang coordinated verification sa mga bangko o institusyong dinaanan ng pera.

Maaaring i-hold muna ang disputed funds nang hanggang limang araw. Maaari itong palawigin habang nagpapatuloy ang verification, ngunit hindi lalampas sa kabuuang 30 calendar days maliban kung pahabain ng korte.

Kung matapos ang verification ay lumitaw na ang pondo ay nagmula sa social engineering scam, money muling, ilegal na aktibidad o katulad na transaksyon, maaaring ibalik ng financial institution ang nasabat na halaga sa institusyong pinagmulan ng account ng biktima.

Gayunman, hindi awtomatiko ang refund. Kritikal ang agarang pagre-report dahil maaaring hindi na ma-hold ang pera kapag nailipat o na-withdraw na ito bago maaksyunan ng financial institution.

Maaari ring managot ang isang BSP-supervised financial institution sa pagkawala o pinsalang dulot ng kabiguang i-hold ang disputed funds kapag obligado itong gawin sa ilalim ng AFASA, kabilang ang posibleng restitution ng disputed funds sa account owner.

Pinaalalahanan ang publiko na unang i-report ang disputed transaction sa kanilang bangko, e-wallet o financial institution. Maaari namang idulog sa BSP Consumer Assistance Mechanism o BSP Online Buddy ang reklamo kung hindi nasiyahan sa naging tugon ng financial institution.

Patuloy ding pinapayuhan ang publiko na huwag ibigay ang OTP, PIN, password at iba pang sensitibong account information at gumamit lamang ng opisyal na communication channels ng kanilang financial institution. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here