MANILA, Philippines – Target ng Department of Health (DOH) na mag-deploy ng 24,381 health professionals sa mga lalawigan at local government units sa 2027 upang mapalakas ang healthcare services sa mga komunidad.
Inihayag ni acting Health Secretary Edwin Mercado ang plano sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2027 budget ng DOH at mga attached agency nito nitong Biyernes.
Isasagawa ang deployment sa ilalim ng National Health Workforce Support System (NHWSS), na naglalayong dagdagan ang health personnel sa mga lokal na pamahalaan, partikular sa mga lugar na kulang sa healthcare workers.
Sa ilalim ng Universal Health Care Act, inaatasan ang DOH na suportahan ang local public health systems sa kanilang human resource needs, na may prayoridad sa geographically isolated and disadvantaged areas.
Sinabi ni Mercado na mahalaga ring mabigyan ng mas maraming career opportunities ang mga health worker habang pinalalawak ang pagpapatupad ng universal healthcare sa bansa.
Kasabay nito, plano rin ng DOH na pagbutihin ang supply chain para sa gamot at bakuna, kabilang ang digital systems, warehouses at cold-chain facilities upang maiwasan ang wastage at mapanatili ang kalidad ng medical supplies.
Humihingi rin ang kagawaran ng humigit-kumulang P740 milyon para sa validated appeals kaugnay ng benepisyo ng healthcare workers.
Sa ilalim ng panukalang 2027 National Expenditure Program, nasa P353.8 bilyon ang nakalaang budget para sa DOH at mga attached agency nito. RNT