MANILA, Philippines- Inihahanda na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City bilang magiging piitan ng death row drug convict na si Mary Jane Veloso.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na bagama’t nakasalalay pa rin sa Department of Justice (DOJ) kung saan ikukulong si Veloso, sinimulan na rin ng CIW ang preparasyon sa sandaling doon iproseso si Veloso sa pagkabalik niya sa Pilipinas.
Sinabi ni Catapang na handa naman na ang BuCor sa magiging kautusan ng DOJ kung saan ididitine si Veloso.
Ipinaliwanag ni Catapang na sa pagdating ni Veloso ay susuriin muna ang kalusugan nito at kailangag nakahiwalay sa ibang preso sa loob ng limang araw.
Mayroong dalawang buwan na isasailalim sa assessment saka lamang irerekomenda ng BuCor kung saan ilalagay si Veloso—kung maximum, minimum o medium.
Samantala, kinumpirma ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na malaki ang posibilidad na iditine si Veloso sa CIW ngunit kailangan muna siya dalhin sa ospital para isailalim sa physical checkup para matiyak na wala itong malubhang sakit.
Aniya, handa na ang Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI) at BuCor, sa nalalapit na pagdating ni Veloso.
Sa ngayon aniya ay binabalangkas na ng Philippine Embassy at ng Indonesian Corrections and Immigration office ang mga detalye sa paglilipat ng kulungan ni Veloso. Teresa Tavares