Home METRO BuCor nagbigay tulong sa mga biktima ng Bagyong Uwan

BuCor nagbigay tulong sa mga biktima ng Bagyong Uwan

275
0

MUNTINLUPA, Philippines – Pinangunahan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang pamamahagi ng mga donasyon para sa mga biktima ng Bagyong Uwan sa Lungsod ng Muntinlupa.

Personal na itinurn-over ni Catapang ang mga donasyon—na mula sa mga opisyal at empleyado ng BuCor—kay Caridad G. Molo, Assistant Department Head II ng Social Services Department ng Muntinlupa.

Layunin ng inisyatiba na maiparating ang suporta at malasakit ng ahensya sa mga pamilyang matinding naapektuhan ng bagyo.

Ayon kay Catapang, mas pinili ng BuCor na ialay ang anibersaryo ng pagkakatatag ng ahensya hindi sa karaniwang pagdiriwang, kundi sa pagsasaliksik sa sarili, panalangin, at pagpapatibay ng kanilang paninindigan bilang mga lingkod-bayan. Aniya, mahalagang maipakita ng mga nasa serbisyo publiko ang empatiya at habag, lalo na sa panahong sinusubok ang bansa ng kalamidad.

Bukod sa relief operations, inihayag din ni Catapang na natanggap na ng mga karapat-dapat na opisyal at empleyado ng BuCor sa buong bansa ang kanilang anniversary bonus na nagkakahalaga ng P3,000 bawat isa. Ang insentibong ito ay ibinibigay alinsunod sa Administrative Order No. 263 na inilabas noong 1996 ni dating Executive Secretary Ruben D. Torres, na nagpapahintulot sa mga ahensya ng pamahalaan at GOCCs na magpaabot ng anniversary bonus.

Ipinagmamalaki ng BuCor na mapanatili ang tradisyong ito habang tinitiyak na ang paglilingkod at kabutihang-loob ay nananatiling sentro ng kanilang misyon. (CESAR MORALES)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here