MANILA, Philippines – Pinangako ni DPWH Secretary Vince Dizon nitong Biyernes na ire-reporma ang budget planning ng ahensya upang maiwasan ang pagka-stall ng proyekto, matapos niyang inspeksyunin ang pothole-ridden portion ng MacArthur Highway sa Apalit, Pampanga, na hindi naayos sa loob ng limang taon dahil sa sinasabing kakulangan sa pondo.
“Napakaiksi lang, wala pang 500 metro pero five years nang hindi nagagawa… Dati, P38 million lang, hindi mapondohan?! Pu******* P1 trillion ang budget ng DPWH,” sabi ni Dizon. Inutusan niya ang Pampanga 1st District Engineering Office na ayusin ang kalsada bago magsimula ang tag-ulan, gamit ang DPWH savings mula 2025.
Kasabay nito, sinuri rin ni Dizon ang collapsed road dike sa Barangay Cupang, Arayat, na nasira noong bagyong Uwan. Ayon sa isang residente, “Talagang ’di ka na makakatulog, iniisip mo baka biglang lumakas talaga yung ulan. Wala nang laman sa ilalim yan e ’di guguho yan.”
Sinigurado ni Dizon na hindi maaapektuhan ang operasyon ng Pampanga 1st DEO kahit na nasuspinde ang District Engineer dahil sa imbestigasyon sa anomalous flood control projects.
Pumayag si Dizon sa mungkahi ng Vice Governor Dennis Pineda na agarang solusyonan ang dike, at sinabing pinag-aaralan na ang long-term solution, kabilang ang large-scale dredging at desilting ng Pampanga River.
Ani Dizon: “Pwedeng magdivert ng tubig doon sa cut-off channel sa likod nitong parteng ito. Ang problema, hindi na-maintain so natabunan na ng lupa.”
Tiniyak niya na pipiliin ang lehitimong kontratista para sa mga plano: “Hindi na natin papayagan ang mga hao siao, hindi na pwede. Tingin ko nga, ngayon na binaba natin ang cost of materials, marami nang mae-engganyo na legitimate contractors.” RNT/MND