BACOLOD CITY- PATAY ang manikurista na kilala umanong bugaw matapos tarakan ng saksak ng babaeng kapwa bugaw makaraan hindi bigyan ng parte sa natanggap na malaking tip na nakuha ng una, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang biktimang 51-anyos, ng Brgy Singcang, Bacolod City.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Joan Nabe, 35-anyos, at residente ng Purok Progreso 2 Vista Alegre, ng nasabing lungsod.
Ayon kay Police Major Elmer Bonilla, hepe ng Bacolod City Police Station 1, bandang 3:30 PM ng maganap ang krimen noong Martes sa Public Plaza sa Barangay 12, ng nabanggit na lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen, binigyan ng suspek ang biktima ng kustomer para ito ay kumita.
Kalaunan, nalaman ng suspek na malaki ang ‘tip’ na ibinigay sa biktima kaya sinugod niya ito sa plaza at kinompronta subalit nagmatigas ang huli na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Dito, binunot ng suspek ang bitbit nitong kutsilyo at inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima saka tumakas.
Sa kabila ng tinamong sugat sa dibdib nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima sa mga awtoridad at dinala ito sa ospital para lapatan ng lunas pero kalaunan ay nalagutan din ito ng hininga.
Patuloy naman ang ginagawang pagtugis ng pulisya laban sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong murder./Mary Anne Sapico