MANILA, Philippines – Mayroon na lamang hanggang October 15 ang mga dayuhang mangagawa ng Philippine offshore gaming operators (POGOs) upang boluntaryong umalis ng bansa ngayon na ibinawal na ang operasyon ng POGO sa Pilipinas.
Ito ang napagkasunduan sa unang pagpupulong ng binuong Task Force POGO Closure na kinabibilangan ng Department of Justice (DOJ Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI).
Layunin ng Task Force na makabuo ng malinaw at organisadong guidelines para maipatupad ang POGO ban sa bansa ng hindi masasakripisyo ang kapakanan ng mga mangagawa sa naturang industriya.
“This may just be the first one that would be convened by us in order for us to have a streamlined, systematic and efficient process of implementing the policy directive of our President,” ani DOJ Usec. Raul Vasquez.
Nabatid na simula October 16, 2024, ang 9G visas ng mga apektadong POGO workers ay magiging tourist visas na lamang kaya kailangan nilang umalis ng bansa sa loob ng 60 araw para hindi sumailalim sa involuntary repatriation.
Gayunman, nagbabala si PAGCOR Chairman Alejandro Tengco, na hindi magiging madali ang pag-alis ng POGOs sa bansa dahil tiyak aniyang gagawa ng paraan ang mga POGO operators upang itago ang kanilang iligal na negosyo.
Sa kasalukuyang, nasa 41 na lisensyadong POGO ang nagpaabot ng kahandaan na tumalima sa direktiba ni Pangulong Marcos.
Tiniyak naman ng DOJ na handa itong makipagtulungan sa Task Force para ipatupad ang total POGO ban bago matapos ang taong kasalukuyan. Teresa Tavares