MANILA, Philippines – NAGPALABAS ang European Union (EU) ng EUR200,000 o P12.4 milyon na emergency assistance para tulungan ang Pilipinas sa pagtugon sa mga iniwang nasira ni Tropical Storm Enteng na may international name na Typhoon Yagi, ilang linggo na ang nakalilipas.
Ang bagong pondo ay bahagi ng EUR2.2 million o P136.8 milyon na aid package para sa Southeast Asian countries na matinding tinamaan ng bagyo.
“As Southeast Asia has suffered one of the deadliest typhoons in recent years, our thoughts go to all the victims and their families.
The EU stands ready to help the affected communities with all the means at its disposal,” ang sinabi ni Commissioner for Crisis Management Janez Lenarčič.
“This new funding will help people in Myanmar, Vietnam, Laos, and the Philippines to address their most immediate needs,” dagdag na wika nito.
Nakatakda namang makuha ng Myanmar ang malaking tipak ng
emergency assistance, sinasabing aabot sa EUR1.2 million sinundan ng Vietnam (EUR650,000) at Laos (EUR150,000).
Bago pa ang naturang anunsyo, pinagana muna ng EU ang Copernicus Emergency Satellite Mapping Service nito lamang Setyembre 11. Sa ngayon, nakapag-produce ng 10 maps para sa damage assessment sa mga apektadong komunidad.
Sa ulat, nag-iwan ang Typhoon Yagi ng malaking pinsala nang dumaan ito sa Northern Vietnam, Laos, at Myanmar.
Ito ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo na naitala sa rehiyon sa maraming dekada.
Sa kasalukuyan, may 500 katao ang naitalang patay, karamihan ay mula sa Vietnam at Myanmar.
Sa Pilipinas, nang bumaybay ang bagyo, mayroon itong ‘less intensity’, ang sanib-puwersa ng bagyong Yagi at southwest monsoon ang dahilan ng matinding pagbaha at naapektuhan ang tatlong milyong katao sa iba’t ibang lugar sa walong rehiyon. Kris Jose