BACOLOD CITY-NABALOT ng takot ang ilang motorista at residente matapos tumama ang buhawi sa ilang lugar sa Murcia, Negros Occidental, kahapon.
Nagkalat sa social media post ang kuhang video ng ng ilang nakasaksi sa buhawi bandang 2:00 PM noong Huwebes Marso 6, 2025.
Makikita sa video ang pagsabog ng poste ng Negros Electric and Power Corp., paglipad ng yero mula sa bubong ng isang bodega, at pagbagsak ng mga puno sa 15-minutong buhawi.
Dahil sa malakas na hangin na tumama sa Bacolod-Alijis 69 kV sub-transmission line, nawalan ng suplay ng kuryente sa Alijis at Murcia substations pati na rin sa kanilang mga feeder.
Ayon kay Engr. Si Mervin Dalian, assistant vice president ng Network Development and Operations Group ng Negros Power, mabilis na ipinakalat ang mga technical team ng Negros Power upang suriin ang pinsala, at tinanggal ang mga punong bumagsak sa linya ng kuryente.
Makalipas ang 3-oras naibalik ang suplay ng kuryente .
Sinabi naman ni Renante Nansan, operator at responder ng Murcia Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), na ang matinding init ay maaaring mag-ambag sa pagbuo ng buhawi.
Wala naman naitalang nasugatan habang patuloy na sinusuri ng mga rescue team ang buong epekto ng buhawi./Mary Anne Sapico