Home NATIONWIDE Community cat sa Makati patay sa tadyak ng Tsino; Poe pumalag

Community cat sa Makati patay sa tadyak ng Tsino; Poe pumalag

MANILA, Philippines – Muling kinondena ni Senador Grace Poe ang isang insidente ng pagmamalupit sa hayop na pinakahuli ang isang community cat sa Ayala Triangle Gardens sa Makati City na pinatay ng isang Chinese.

Kilala si Poe bilang animal lover kaya’t muling iginiit ang pagsasabatas ng panukalang mas magpapabigat sa parusa sa sinumang magmamalupit sa alagang hayop tulad ng aso at pusa.

“We deplore the killing of a community cat at the Ayala Triangle Gardens in Makati City by a Chinese man,” ayon kay Poe.

“Nagpapahinga lang ang pusa, at dahil community cat nga ito, ibig sabihin ay alaga ito ng mga tao sa lugar. Safe haven dapat ng mga alagang pusa at aso ang komunidad na iyon,” giit ng senador.

Sinabi ni Poe na walang hayop na dapat pagmalupitan at hindi kailangan pang-aabuso.

Dahil dito, hiniling ni Poe sa awtoridad na papanagutin ang Chinese cat killer na responsible sa paglabag sa Animal Welfare Law.

“A stronger and more responsive Animal Welfare Law in place would have immediately caught the perpetrator and made him answerable to his crime,” ayon kay Poe.

Nakatakdang idepensa ni Poe ang binagong Animal Welfare Bill na kanyang inawtor at nakatakda nang basahin sa ikatlong pagkakataon na magbibigay kapangyarihan sa local government units partikular ang barangay natugunan ang pagmamalupit sa hayop at pag-aabandona sa hayop.

Layunin din ng panukala na magpataw ng mas mabigat na parusa upang makapag-isip muli ang abuser bago gumawa ng krimen.

“We are confident that our colleagues and fellow animal welfare advocates in Congress will see through the passage of this bill,” giit niya.

Naunang kinondena ni Poe ang barbariko pagkilos na ginawa ng ilang indibiduwal sa asong si Tiktok sa Negros Occidental na pinatay ng ilang beses.

“Such cruelty to an innocent creature has no place in our civilized society. What will stop the perpetrators from shooting humans next time?, ayon kay Poe.

Nanawagan si Poe sa residente ng lugar na tulungan ang LGU at animal welfare groups na hanapin at tugisin ang sinumang nanakit kay Tiktok. “Dapat managot sa batas ang sinumang responsible.”

“The disturbing incident should prompt us to pass the revised Animal Welfare Act that we are pushing to put more teeth in the current law and capacitate the barangay to be more responsive to cases of animal cruelty and neglect,” giit ng senador.

Sinabi ni Poe na may panahon pa upang maisapa ang panukala sa pagbabalik ng Kongreso at umaasa ang mambabatas na hindi palalampasin ng kasamahan ang paggawa ng makataong pagkilos.

“There is still time to pass this when Congress returns to session and we hope our colleagues will not let pass this chance to do a compassionate act,” aniya. Ernie Reyes