BULACAN, Philippines – Nakipag-partner ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa NLEX Corporation at Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) upang palakasin ang kahandaan at resiliency ng lalawigan laban sa kalamidad.
Nagsagawa ang mga ito ng dalawang araw na forum sa Hiyas ng Bulacan noong Biyernes na dinaluhan ng humigit-kumulang 70 policymakers, civil servants, at disaster response personnel.
Layunin nitong bigyan sila ng kaalaman at mga kasangkapan para makabuo ng mga polisiyang tutugon sa tumitinding panganib at epekto ng mga natural na sakuna.
Ayon kay Vice Governor Alex Castro, napapanahon ang inisyatiba dahil sa dalas at tindi ng mga kalamidad kamakailan.
“Bilang public servant, mahalagang patuloy tayong matuto upang mas malayo ang marating ng ating bansa at mapabuti ang kalagayan ng ating mga mamamayan,” aniya.
Sinabi naman ni Sangguniang Panlalawigan Secretary Ma. Perpetua Santos na magiging makabuluhan lamang ang polisiya kung ito ay maipatutupad.
“Disaster preparedness ordinances must be crafted with technical experts from the start to ensure they are enforceable, doable, and effective,” aniya.
Ayon kay NLEX president at general manager Luis Reñon, ang workshop ay “empowers local governance, encourages proactive planning, and strengthens collaboration among stakeholders.”
Isang kahalintulad na workshop ang isinagawa rin sa bayan ng Marilao na dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at civil service staff. RNT/MND