MANILA, Philippines — Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang isang minor phreatomagmatic eruption sa pangunahing bunganga ng Bulkang Taal nitong Miyerkules ng umaga, Nobyembre 12.
Ayon sa Phivolcs, ang pagputok ay nagsimula bandang 6:51 a.m. at nagtapos 6:54 a.m., na lumikha ng abo at usok na umabot sa 2,800 metro ang taas bago lumipad patungong hilagang-silangan.
Pahayag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol, ang naturang insidente ay hindi palatandaan ng mas malaking pagsabog, ngunit inaasahan pa rin nila ang mga katulad na minor eruptions habang nananatili sa Alert Level 1 ang bulkan.
“Ang [minor eruption] na ito ay konsistent pa rin sa Alert Level 1 status ng Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalboroto. Hindi ito indikasyon ng tumitinding aktibidad,” ani Bacolcol.
“Maaaring magpatuloy ang mga katulad na bahagyang pagsabog anumang oras sa ilalim ng Alert Level 1,” dagdag niya. RNT/JGC