MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na SONA ang pagdagdag ng mga guidance counselor sa mga pampublikong paaralan upang tugunan ang tumitinding isyu ng bullying at mental health sa mga kabataan.
“Maraming mag-aaral ang nakakaranas ng bullying o kaya’y depresyon. Binabantayan natin ang mental health ng ating kabataan,” aniya.
Iginiit niyang dapat isabay ang suporta sa emosyonal na kalagayan ng mga estudyante sa mga hakbang para sa pagkatuto. Kinilala rin ng DepEd ang kakulangan ng mga school counselor sa bansa.
Kasabay nito, inilunsad ang YAKAP Caravan na magbibigay ng libreng checkup, cancer screening, at gamot para sa mga guro at mag-aaral. Layunin din ng programa ang maagap na pagtukoy sa mga sintomas ng stress at depresyon.
Naglaan din ang pamahalaan ng ₱1 bilyon para magtayo ng higit 300 Barangay Child Development at Bulilit Centers. Ayon sa mga tagapagtaguyod, ito’y mahalagang hakbang para sa matagal nang hinihinging suporta sa mental health ng mga kabataan sa edukasyon. RNT