Home HOME BANNER STORY Bumagsak na FA-50 fighter jet natagpuan na; 2 sundalo utas

Bumagsak na FA-50 fighter jet natagpuan na; 2 sundalo utas

BUKIDNON — Natagpuan na ng militar ang bumagsak na FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force (PAF) noong Miyerkules, Marso 5, sa Mt. Kalatungan mountain range sa Bukidnon matapos mawala ito sa gitna ng isang tactical night operation.

Kinumpirma ni Lt. Gen. Luis Rex Bergante, commander ng Eastern Mindanao Command, na natagpuan ang eroplano bandang 11 a.m.

Natagpuan din ng search and rescue teams ang dalawang pilotong lulan nito na kumpirmadong patay.

Hindi pa inilalabas ang kanilang pagkakakilanlan habang hinihintay ang abiso sa kanilang pamilya. Ayon kay Bergante, “total wreck” ang kalagayan ng eroplano.

Ang FA-50 ay nagbibigay ng air support sa tropang militar na sumusugpo sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Bukidnon.

Nagkaroon ng sagupaan sa bayan ng Cabanglasan noong Martes ng hatinggabi, dahilan kung bakit hindi agad isiniwalat ng PAF ang posibleng lokasyon ng jet upang tiyaking mauna ang mga rescuers sa crash site bago ang mga rebelde.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma Consuelo Castillo, nawalan ng komunikasyon ang FA-50 habang patungo sa target area. Nakatulong sa pagtukoy ng lokasyon ng crash site ang signal mula sa personal locator beacons ng mga piloto. Inilarawan ang lugar bilang “mabundok, masukal, at mahamog.”

Isinasagawa na ang imbestigasyon upang alamin ang sanhi ng pagbagsak. Bagamat may kakayahan ang FA-50 sa night operations at bihasa ang mga piloto, aminado si Castillo na may matinding panganib ang paglipad sa gabi.

Dahil sa insidente, pansamantalang grounded ang natitirang 11 FA-50 fighter jets ng PAF. Ang mga aircraft na ito, na binili mula South Korea noong 2015 hanggang 2017 sa halagang P18.9 bilyon, ay mahalagang bahagi ng anti-insurgency operations at patrolya sa West Philippine Sea. Malaki rin ang naging papel ng FA-50 sa 2017 Marawi siege bilang suporta sa ground troops laban sa mga terorista. RNT