Home HOME BANNER STORY PH inflation rate bumagal sa 2.1% sa Pebrero 2025

PH inflation rate bumagal sa 2.1% sa Pebrero 2025

MANILA, Philippines — Bumagal sa 2.1% ang inflation rate ng bansa noong Pebrero 2025 mula sa 2.9% noong Enero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ito ang pinakamababang inflation rate mula noong Setyembre 2024 na nasa 1.9%.

Ayon kay Deputy National Statistician Divina Gracia del Prado, ang pangunahing dahilan ng pagbagal ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages, na bumaba sa 2.6% mula 3.8%, na nag-ambag ng 58.8% sa kabuuang pagbaba. Bumagal din ang pagtaas ng presyo ng gulay sa 7.1% mula 21.1%, habang ang bigas ay nagkaroon ng deflation rate na -3% mula -1.1%.

Bumagal din ang Housing, Water, Electricity, and Other Fuels index sa 1.6% mula 2.2%, kung saan bumaba ang presyo ng kuryente ng 1% at ang presyo ng LPG ay bumagal sa 3.7% mula 4.7%. Ang inflation sa transportasyon ay bumaba rin sa -0.2% mula 1.1% dahil sa mas mababang presyo ng gasolina at diesel.

Sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na patuloy ang pagsisikap ng gobyerno na panatilihing mababa at kontrolado ang inflation, habang inihahanda ng Department of Agriculture ang La Niña action plan upang suportahan ang produktibidad ng agrikultura sa harap ng inaasahang mga bagyo.

Bumagal din ang food inflation sa 2.6% noong Pebrero mula 4% noong Enero, dulot ng mas mabagal na pagtaas ng presyo ng gulay at bigas. Binigyang-diin ni Balisacan ang pangangailangang tugunan ang pagtaas ng presyo ng pagkain upang suportahan ang mga mahihinang pamilyang Pilipino. RNT