WASHINGTON — Nagpatupad si US President Donald Trump ng 25% na taripa sa mga inaangkat mula sa Mexico at Canada, at dinoble rin ang buwis sa mga produktong galing China sa 20% noong Martes, Marso 4, 2025. Nagdulot ito ng tensyon sa pandaigdigang kalakalan na posibleng makaapekto sa ekonomiya ng US at magpataas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Trump, hindi umano sapat ang ginagawa ng tatlong bansa para pigilan ang pagpasok ng fentanyl at mga kemikal nito sa US. Dahil dito, bumagsak ang halaga ng mga stocks sa Wall Street, lalo na ang teknolohiya, automakers, at retail industries. Pati ang Canadian dollar at Mexican peso ay humina laban sa US dollar.
Agad namang gumanti ang China sa pamamagitan ng pagtaas ng taripa ng 10% hanggang 15% sa ilang US imports simula Marso 10 at paglalagay ng export restrictions sa ilang US entities. Inireklamo rin ng China ang hakbang ng US sa World Trade Organization.
Hindi rin nagpatalo ang Canada at Mexico. Inihayag ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang paglalagay ng 25% taripa sa C$30 bilyong halaga ng US imports, kabilang ang orange juice, kape, alak, appliances, at kasuotan. Dagdag pa niya, handa silang magpatupad ng mas malawakang taripa kung hindi aalisin ng US ang kanilang buwis sa loob ng 21 araw.
Samantala, mariing kinondena ni Mexican President Claudia Sheinbaum ang aksyon ng US, na aniya’y walang sapat na dahilan. Nagbanta siyang gaganti at ipapahayag ang hakbang ng Mexico sa isang pampublikong pagtitipon sa Zocalo square sa Mexico City sa Linggo.
Dahil sa mga bagong taripa, nagsimula nang tumaas ang presyo ng ilang bilihin sa US. Inanunsyo ng Target na magtataas sila ng presyo sa mga imported na produkto tulad ng avocado mula Mexico, habang nagbabala rin ang Best Buy ng posibleng pagtaas ng presyo ng electronics na karamihan ay galing China at Mexico.
Habang tumitindi ang tensyon, patuloy na nanganganib ang pandaigdigang kalakalan at ekonomiya, na maaaring magdulot ng mas malawakang epekto sa presyo ng mga bilihin at relasyon ng US sa ibang bansa. RNT