CEBU CITY- PATAY ang isang 7 buwan buntis na ginang habang sugatan ang kanyang mister at 11-na buwan na anak makaraan maatrasan ng dump truck ang kanilang sinasakyan motorsiklo, noong Martes sa lungsod na ito.
Kinilala ang nasawi na si Rothchell Hernani, habang sugatan ang kanyang mister na si Juan Secretaria, 29, driver ng motorsiklo, at kanilang anak na si Nathan, pawang mga residente ng Sitio Dakit, Brgy. Cambang-ug, Toledo City.
Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng dump truck na kinilalang si Roldan Cabiluna Labajo, 45 , residente ng Campo 2, Barangay Jaclupan, Talisay City.
Ayon kay Police Staff Sergeant Jonathan Cuizon, imbestigador ng Toledo Police Station, bandang 7:30 PM ng maganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Barangay Cambang-ug, ng naturang lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Labajo ang dump truck na puno ng karga ng buhangin patungong Sitio Anislag, Barangay Canlumampao, Toledo City habang nasa likuran nito ang mag-anak na biktima sakay ng motorsiklo na patungo naman Barangay Talavera, Toledo para dalawin ang namayapang magulang.
Kuwento ni Labajo, habang paakyat ang truck bigla na lamang nagkaproblema ang makina at hindi na rin kumagat ang preno.
Dahil dito, naatrasan niya ang motorsiklo ng mga biktima dahilan para tumilapon ang mga ito at nadaganan ang buntis na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Dinala naman sa ospital ang mag-ama ni Rotchelle para lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat.
Nasa kustodiya ngayon ng Toledo City Police Station si Labajo at nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso habang hinihintay ang desisyon ng mga pamilya ng biktima kung mauuwi sa usapang magbabayad ang suspek sa lahat ng gastusin para hindi na magdemanda ang mga biktima laban sa kanya./Mary Anne Sapico