MANILA, Philippines – Naniniwala ang isang propesor sa Political Science na nabigo ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gampanan ang pangunahing tungkulin nito na protektahan ang kanyang mamamayan matapos sadyang bumigay sa hinihingi ng International Criminal Court (ICC) na malitis nila si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Dr. Froilan Calilung, professor ng political science sa University of Santo Tomas, gaya ng ibang Filipino citizen, si Duterte ay nararapat pagkalooban ng due process.
Para kay Dr. Calilung, hindi nasunod ang legal procedures. Ang naging pahayag aniya ni Pangulong Marcos ay taliwas sa internal sovereignty ng bansa dahil hindi nito napangalagaannang mamamayan nito.
Ang ginawa aniya ng Marcos administration ay basta na lamang sumunod sa naisin ng isang international body at hindi man lamang nanindigan.
Binigyan-diin ni Calilung na sa ligal na aspeto ay maaring tumanggi ang Philippine government na isuko si Duterte sa ICC dahil sa kawalan ng binding treaty kaya nasa pagpapasya na ng gobyerno kung makikipag-cooperate sa ICC salig sa Philippine law.
Mas pinili aniya ng gobyerno na pasiyahin ang international community ng hindi inaalala ang posibleng epekto nito. Teresa Tavares