MANILA, Philippines – Huli sa CCTV ang pagnanakaw sa isang Korean store sa Tondo, Maynila, kung saan sangkot ang isang lola at dalawang kasabwat.
Sa video, makikita ang isang babaeng nakasuot ng puting sando na may dalang kahon ng mamahaling kape.
Ipinasok ito ng lola sa kanyang palda bago sila mabilis na lumabas ng tindahan. Isang lalaki rin ang nakunan habang ikinakamada ang mga paninda sa kanyang bag bago dali-daling lumabas.
Ayon sa staff, nagkataong break time noon ng security guard at abala ang mga kahera kaya hindi napansin ang insidente. Sa loob lamang ng ilang minuto, mahigit ₱8,000 halaga ng paninda ang natangay.
Napag-alamang hindi ito ang unang beses na nanakawan ang nasabing tindahan. Bagamat may nagrorondang opisyal ng barangay, nagpaalala ang mga ito sa may-ari na magdagdag ng tauhan para sa seguridad. (Jocelyn-Tabangcura Domenden)