MANILA, Philippines — Patuloy na magdudulot ng ulan sa malaking bahagi ng bansa ang trough ng low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa weather bureau nitong Martes.
Ayon sa ulat, huling namataan ang LPA dakong 2 a.m. sa layong 1,315 kilometro silangan ng Eastern Visayas at may mataas na posibilidad na maging isang tropical cyclone sa loob ng susunod na 24 oras.
Magdadala ang trough ng LPA ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Visayas, Mindanao at Masbate. Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring magdulot ng flash floods o landslides ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Samantala, magdadala naman ng mahinang pag-ulan ang northeast monsoon sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon at sa natitirang bahagi ng Bicol Region, habang posibleng makaranas ng isolated light rains ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Iiral ang katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan sa Northern Luzon at silangang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon, Visayas at Mindanao. Sa ibang lugar naman, inaasahan ang mahinang hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang alon.
Noong Lunes, inanunsyo ng PAGASA ang pagtatapos ng La Niña, ngunit binigyang-diin na maaari pa ring makaapekto ang iba pang weather at climate systems sa distribusyon ng ulan sa bansa.
“Rain-bearing weather systems may bring occasional heavy rainfall that could lead to flash floods and rain-induced landslides in vulnerable areas,” ayon sa PAGASA. RNT