Home TOP STORIES Buong suporta ng Bohol, nakuha ni Villar

Buong suporta ng Bohol, nakuha ni Villar

TAGBILARAN CITY, BOHOL — Buong pasasalamat ang ipinaabot ni millennial senatorial candidate Camille Villar kay Tagbilaran Mayor Jane Yap matapos ang pormal na pag-endorso ng alkalde sa kanyang kandidatura, na lalong nagpapatatag sa suporta ng Bohol para sa darating na halalan.

Dumalo si Villar sa makulay na Saulog Festival nitong nakaraang weekend, bilang paggunita sa patron saint ng lungsod na si St. Joseph the Worker, na inilarawan niyang huwaran ng kasipagan, katapatan, at pananampalataya.

“Ngayong araw po, inaalay po natin ang ating pagdiriwang kay St. Joseph the Worker — isang simbolo ng kasipagan, katapatan, at pananampalataya,” ani Villar. “Nawa’y maging inspirasyon siya sa ating lahat sa gitna ng hamon ng buhay, sa ating pagtatrabaho, at sa pag-aaruga sa ating pamilya at komunidad.”

Ipinangako rin ni Villar na kanyang isusulong ang mga proyektong pang-imprastraktura upang mas mapalakas pa ang turismo at mapabilis ang pag-unlad sa buong lalawigan.

“Kaisa niyo po ako sa hangarin na patuloy pang mapayabong ang turismo at makapagdagdag ng kabuhayan para po sa ating mga kababayan dito po sa Bohol,” dagdag pa ni Villar.

“Sama-sama po nating itataguyod ang mga pangarap at hangarin ng bayan ng Tagbilaran at maging ng buong lalawigan ng Bohol para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng ating bayan.”

Patuloy ang pag-igting ng suporta para kay Villar sa buong rehiyon ng Visayas, kasabay ng pagtanggap ng kanyang platapormang nakatuon sa serbisyong makatao at makabayan. RNT