Home NATIONWIDE Bureau of Plant Industry: Walang ‘favoritism’ sa pag-isyu ng import permits para...

Bureau of Plant Industry: Walang ‘favoritism’ sa pag-isyu ng import permits para sa sibuyas

MANILA, Philippines- Itinanggi ng Bureau of Plant Industry (BPI) nitong Miyerkules ang paglimita sa pag-isyu ng import permits para sa sibuyas sa mga piling importer, at sinabing nakapaglabas na ito ng halos 290 import permits para sa sibuyas ngayong taon.

“Equally naman po (ang issuance). There are few firms which got import permits, but most of the import permits were secured by the existing ones (importers),” pahayag ni Sheree Samala, BPI Officer-in-Charge Division Chief, sa mga mambabatas sa pagpapatuloy ng House agriculture and food committee hearing sa biglaang pagtaas ng presyo ng sibuyas noong nakaraang taon.

Subalit, sinabi ni Dasmariñas City Representative Elpidio Barzaga Jr. na taliwas ito sa mga umano’y reklamo na natanggap ng komite mula sa mga kompanya.

“The complaints we are receiving is that there are legitimate importers, but they cannot break in kasi suki na iyong mga ini-issuehan niyan,” anang mambabatas.

“That is the complain told to us by corporations, that they cannot get import permit because they need a blessing,” dagdag niya.

Subalit, nanindigan si Samala na hindi pinapaboran ng BPI ang importers sa pag-isyu ng mga permit, na kilala bilang Sanitary and Phytosanitary Import Clearances.

“Once naman na nag-open po, open naman po siya sa lahat, Sir. Recipients of import permits have accredited cold storage facilities and pest control analysis, and each company is allowed to have five import permits at the maximum,” paglalahad niya.

Nang tanungin kung ilang kompanya ang nakakuha ng 290 import permit para sa sibuyas ngayong taon, sinabi ni Samala na ginawaran ang 75 kompanya ng nasabing permit.

“Every company is allowed to have five [import permits] at the maximum. Not everyone reached the maximum number of import permit,” pahayag niya.

Ani Barzaga, sa nabanggit na bilang, dapat itama ni Samala ang kanyang sarili sa pagsasabing pantay ang pagbibigay ng import permits. “You are being evasive,” aniya sa BPI official.

Tugon naman ni Samala, “Hindi pa po equal iyong nabibigay sa kanila.”

“Our limit of five was set during our meeting with importers,” dagdag niya.

Pinapayagan ng bansa ang pagpapapasok ng imported onions hanggang dalawang beses kada taon: red onions tuwing January at yellow onions tuwing May.

Batay sa datos ng pamahalaan, karamihan sa onion imports ay mula sa China.

Sinabi naman ni BPI Director Glenn Panganiban na dahil ang mga sibuyas na galing sa China ay nadadala sa bansa sa loob ng lima hanggang pitong araw dahil sa lapit nito sa Pilipinas. RNT/SA