MANILA, Philippines – Kinuwesyon ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros nitong Martes, Mayo 21 ang umano’y kaugnayan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa negosyo sa mga dayuhang may criminal records.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros, na kumwestyon sa pagkakakilanlan ni Guo, na batay sa dokumento noong 2019 mula sa Securities and Exchange Commission ng Baofu Land Development Inc., ang incorporator nito ay sina Guo, Rachel Joan Malonzo Carreon, isang Filipino; Zhiyang Huang, isang Cypriot; Zhang Ruijin, isang Chinese; at Baoying Lin, isang Dominican.
Ayon kay Hontiveros batay sa news reports, si Zhang Ruijin ay na-convict noong nakaraang taon matapos maugnay sa “largest money laundering case in Singapore.”
Binanggit din ng senador ang ulat ng Channel News Asia, kung saan ang naturang Chinese ay “$41 million in assets overseas, including shareholdings in a Philippine real estate development company.”
Dagdag pa, si Baoying Lin ay may criminal charges din.
“Ang daming red flag ni Mayor Alice Guo. Wala na ngang maayos na record sa Pilipinas, may mga koneksyon pa sa mga kriminal. Is this why she is able to afford her lavish lifestyle? Galing ba sa mga kriminal at pugante ang pambili niya ng chopper at mga luxury cars?” tanong ni Hontiveros.
“Given her connections to criminals, I welcome the DILG’s move to remove Mayor Guo’s power over the local police,” pagpapatuloy ng senador, sabay sabing, “Dapat wala nang access si Mayor sa ating kapulisan kung siya pala ay protektor din ng mga kriminal.”
Iginiit din ni Hontiveros ang pahayag ni Guo sa 2022 mayoral bid nito na siya ay sinuportahan ng mga “kaibigan.” Kalaunan ay tinanong ng senador si Guo kung “Itong mga kriminal at puganteng kaibigan ba ang sinasabi niya?”
“Kahit pa sabihin niyang nag-divest na siya sa Baofu bago tumakbo, the fact remains: She has ties with these criminals. Kaya ba siya tumakbong Mayor para maprotektahan niya ang mga kaibigan niya? I am looking forward to our hearing on Wednesday. Sana naman may maalala na si mayor,” ani Hontiveros.
Wala pang tugon ang kampo ni Guo kaugnay nito. RNT/JGC