Home NATIONWIDE Buwan at Mars, lalagyan ng nuclear reactor

Buwan at Mars, lalagyan ng nuclear reactor

314
0

MANILA, Philippines – Pinapabilis ng NASA ang kanilang plano na maglagay ng nuclear power reactors sa Buwan at Mars, na layong ilunsad ang unang sistema bago matapos ang 2029.

Batay sa isang memo noong Hulyo 31 na nilagdaan ni acting NASA chief at US Transportation Secretary Sean Duffy, itatalaga ang isang “nuclear power czar” upang pumili ng dalawang commercial proposals sa loob ng anim na buwan. Binibigyang-diin ng memo ang pangangailangang maagapan ang plano ng China at Russia na maglagay ng reactor sa Buwan bago magkalagitnaan ng 2030s.

Ayon sa memo, “Ang unang bansa na makapaglagay ng reactor ay maaaring magdeklara ng ‘keep-out zone,’” na posibleng makasagabal sa mga plano ng US sa ilalim ng Artemis program kung sila ay mahuhuli.

Matagal nang pinag-aaralan ang paggamit ng nuclear power sa kalawakan, ngunit wala pang sistemang handang ilunsad. Simula 2000, gumastos na ang NASA ng $200 milyon para sa pag-develop ng maliliit at magagaan na fission power systems. Noong 2023, nagbigay ito ng tatlong kontrata para sa disenyo ng mga system na kayang maglabas ng 40 kilowatts ng kuryente—sapat para patakbuhin ang 30 bahay sa loob ng sampung taon.

Hindi tulad ng solar power, ang fission systems ay tuloy-tuloy ang suplay ng enerhiya—mahalaga sa mahahabang gabi sa Buwan at mga dust storm sa Mars. Noong Disyembre 2024, pormal na inaprubahan ng NASA ang paggamit ng nuclear power para sa Mars, na nangangailangan ng hindi bababa sa 100 kilowatts para suportahan ang life support, komunikasyon, at pagmimina.

Target ng NASA na handa nang ilunsad ang teknolohiya pagsapit ng huling bahagi ng 2029 gamit ang heavy-class lander. Samantala, naudlot ang Artemis 3—ang unang planong crewed landing ng NASA sa Buwan—at itinalaga na sa 2027, habang tinatarget ng China ang 2030 at mas matatag na tumutupad sa kanilang iskedyul. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here