Home NATIONWIDE Thailand at Cambodia nagkasundong palawakin ceasefire

Thailand at Cambodia nagkasundong palawakin ceasefire

246
0

Nagkasundo ang Thailand at Cambodia na palawigin ang kanilang tigil-putukan matapos ang limang araw na sagupaan sa hangganan noong nakaraang buwan na ikinasawi ng hindi bababa sa 43 katao.

Nag-ugat ang alitan sa matagal nang pagtatalo sa mga templong nasa hangganan ng dalawang bansa.

Naipagkasundo ang tigil-putukan sa tulong ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim, sa pakikipag-ugnayan kay United States President Donald Trump at mga tagapamagitan mula sa China. Natapos ang tatlong araw na pag-uusap sa Kuala Lumpur nitong Huwebes sa pamamagitan ng isang kasunduang magpapatigil sa lahat ng uri ng karahasan, kabilang ang mga pag-atake sa mga sibilyan at mga target na militar.

“Ang kasunduang ito ay hindi dapat labagin sa anumang pagkakataon,” ayon sa pinirmahang pahayag. Kabilang din dito ang pagpigil sa galaw ng tropa at mga patrol sa kahabaan ng 800-kilometrong hangganan.

“Narito kami para sa detalyadong kasunduan ng tigil-putukan upang wakasan ang pagdanak ng dugo,” ayon kay Cambodian Defense Minister Tea Seiha. Sinabi naman ni Thai Deputy Defense Minister Nattaphon Narkphanit na kailangan ng sinseridad at tunay na kooperasyon mula sa magkabilang panig.

Itinakda rin ang isa pang pagpupulong sa loob ng isang buwan. Nangako ang dalawang bansa na iiwas sa pagpapalaganap ng maling impormasyon upang hindi na lumala pa ang tensyon.

Tinanggap ni United States Secretary of State Marco Rubio ang kasunduan at tinawag itong “mahalagang hakbang pasulong.” Ngunit binalaan ni US ambassador to Malaysia Edgard Kagan na mataas pa rin ang antas ng tensyon at hindi pagkakatiwalaan, kaya mahalaga ang malinaw na direktiba mula sa mga pinuno pababa sa mga sundalo sa hangganan.

Pinagmumulan ng tensyon ang magkaibang pag-angkin sa mga templo sa hangganan, na nag-ugat sa hindi malinaw na mapa ng mga kolonyalistang Pranses noong 1907. Ang sagupaang ito ang pinakamarahas sa rehiyon sa nakalipas na higit isang dekada, na nagresulta sa paglikas ng mahigit 300,000 katao mula sa magkabilang panig. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here