MANILA, Philippines – Target ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang “buy one, give one” na sistema para sa pagbili ng police vehicles ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, layon ng panukala na mapabilis ang police response time sa Metro Manila. Ipinahayag niya ito matapos dumalo sa pagpupulong ng NCR Regional Peace and Order Council nitong Sabado, Hunyo 21.
“What I am proposing is we go back-to-back. You buy one, we give you one,” ani Remulla.
Binigyang-diin ng kalihim na may malaking kakulangan sa bilang ng police vehicles sa NCR.
“Metro Manila, with over 14 million people, has only 635 police vehicles. Cavite, with 4.5 million people, has 801. This has to be corrected,” aniya.
Bukod sa mga patrol cars, sinabi rin ni Remulla na bibili ang DILG ng mas maraming police motorcycles at maliliit na fire trucks upang mas madaling makapasok sa mga masisikip na lugar sa lungsod.
Nauna nang nangako si Remulla noong Hunyo 13 sa isang command conference kasama ang Philippine National Police (PNP) na magdaragdag pa ng mga patrol vehicle.
Ito ay tugon sa utos ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na dapat makaresponde ang pulisya sa loob lamang ng limang minuto sa mga tawag para sa tulong o emergency. RNT/JGC