MANILA, Philippines – Nakatakdang palitan ng Department of Transportation (DoTr) ang binansagang “Mt. Kamuning” sa EDSA ng mas mababa at accessible na disenyo ng footbridge para sa mga commuter.
Sa inisyal na plano ng DOTR, lalagyan ito ng elevator para sa mga senior citizen, persons with disability o PWD, at mga buntis.
Idinagdag pa ng ahensya na gigibain lamang nila ang istruktura kapag natapos na ang konstruksyon ng bagong disenyo ng footbridge.
Ito ay kasunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang naturang footbridge.
Matatandaan na binatikos at ginawang katatawanan ang footbridge na matatagpuan sa NIA South Road-Scout Borromeo St. na itinayo noong 2018 ng Metropolitan Manila Development Authority na layong maiwasan ang jaywalking at aksidente sa lugar.
Depensa ng ahensya, kinailangang taasan ang tulay para hindi ito tumama sa power lines ng MRT-3. RNT/JGC