MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang dalawang guerilla na nasugatan sa sagupaan sa Kalamansig, Sultan Kudarat, isang araw matapos naman masawi ang tatlong rebelde at isang sundalo.
Nakuha mula sa mga ito ang isang rifle.
Ayon kay Lieutenant Colonel Christopherson M. Capuyan, commanding officer ng Army 37th Infantry Battalion, ang dalawang naarestong miyembro ng New Peoples Army (NPA) ay mga menor de edad, edad 16 at 17 at ginagamot na sa military hospital.
Tinamaan ang mga ito at tumakas, kasunod ng sagupaan nitong Biyernes sa Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig, Sultan Kudarat.
Ani Capuyan, ang dalawa ay naaresto matapos isuplong ng mga sibilyan sa mga sundalo ang presensya ng mga sugatang rebelde sa Sitio Maugan, Barangay Datu Ito.
Hindi na nagpumiglas ang dalawa nang rumesponde ang mga sundalo sa kanilang kinalalagyan, umaga ng Sabado.
Sinabi pa ni Capuyan na ibinyahe ang mga sugatang rebelde sa pamamagitan ng military ambulance sa Kalamansig municipal health unit at itinurn-over sa kustodiya ng Kalamansig town police office para sa dokumentasyon.
Nitong Sabado ng hapon, inilipat ang mga ito sa Camp Siongco Station Hospital (CSSH), ang Army division health facility sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Pinuri ni Capuyan ang kooperasyon ng mga residente sa matagumpay na operasyon.
“This successful apprehension is a testament to the strong partnership between our military forces, Philippine National Police and the peace-loving people of Kalamansig. Their willingness to share critical information directly led to the capture of these wounded individuals,” saad sa pahayag ni Capuyan.
Samantala, iginawad naman ni Major General Donald Gumiran, 6th Infantry Division commander, ang Military Merit Medal sa nasawing si Corporal JayR Baay ng 37th IB na napatay sa naturang sagupaan. RNT/JGC