Home NATIONWIDE Bystanders sa post ng mga vlogger kailangan na i-blur

Bystanders sa post ng mga vlogger kailangan na i-blur

MANILA, Philippines – Obligado nang takpan o i-blur ng mga vlogger ang mukha ng mga bystander sa kanilang mga post, sa ilalim ng bagong panuntunan ng National Privacy Commission.

Sa ilalim ng NPC Circular No. 2025-01, o “Guideline on the Processing of Personal Data Collected Using Body-Worn Cameras,” layon nitong maglatag ng mga protocol para sa proteksyon ng datos ng data subjects at kanilang data privacy rights.

Sinabi ni Aubin Arn Nieva, NPC Data Security and Compliance Office Director, sakop ng circular ang mga pulis, private security agencies, at mga vlogger.

Saad sa circular na, “vloggers are required to use available technology that can mask images of bystanders, especially children and other vulnerable individuals.”

Magkakaroon din dapat sila ng “appropriate private notice” sa lahat ng kanilang social media platforms.

Inoobliga rin ang mga vlogger na “ensure transparency and provide adequate information to the data subjects prior to the commencement of any video recording activity.”

Sinasabi rin ni Nieva na dapat sabihin ng recorder ang subject ng datos na inirerekord sa nauunawaang wika.

Ang pagrekord ng subject o bystander ay dapat din na hindi “unduly oppressive.”

Maaaring maharap sa criminal, civil, at administrative charges ang mga lalabag dito batay sa probisyon ng Data Privacy Act, at Implementing Rules and Regulations, at mga kaugnay na issuances ng NPC.

Nagpaalala rin si Nieva sa mga vlogger na nagmomonetize ng kanilang mga vlog na iparehistro ito sa NPC.

Ang mga lalabag ay maaaring isyuhan ng show cause order at maharap sa multang P50,000.

Para magparehistro, kailangan nilang pumunta sa NPC office o National Privacy Commission Registration System (NPCRS) online portal. RNT/JGC