MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na tatlong scenario ang kanilang pinaghahandaan ngayon para sa barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).
Ayon sa Comelec, handang-handa ang poll body kung mapirmahan man o i-veto ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang batas na nagpapaliban sa BSKE.
Sa isinagawang special emergency meeting, sinabi ni Commissioner Rey Bulay na siyang Comminissioner-in-Charge para sa BSKE na tuloy ang kanilang paghahanda.
May kinalaman ito sa batas na magpapalawig ng termino at pagpapaliban sa halalan hanggang Nobyembre 2026– na ikalawang pagkakataon na maantala ang halalan kung sakali.
Kabilang sa paghahandaan ng Comelec ang pagbili ng 60,000 piraso ng ballot box, tuloy man o hindi ang eleksyon.
Ang diskarte sa procurement ay alam na rin aniya ng komisyon gayudin ang mga hakbang kung sakaling kwestyunin ang legalidad ng batas sa Korte Suprema.
Tuloy din aniya ang voter registration na isasagawa pagkatapos ng BARMM Parliamentary Elections na magsisimula sa Oktubre bagamat wala pa itong pinal na petsa. Jocelyn Tabangcura-Domenden