MANILA, Philippines – Kinansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang lisensya ng 401 lending companies na bigong magpasa ng documentary requirements bilang bahagi ng kampanya ng ahensya na protektahan ang mga investor sa fraud.
Sinabi ng SEC nitong Lunes, Hunyo 16, na ang mga kompanya ay na-tag bilang “delinquent” sa hindi pagpapasa sa tamang oras ng kanilang reportorial requirements, kabilang ang audited financial statements, general information sheets at director o trustee compensation reports.
Binawi rin ang kanilang primary registrations.
Sa kautusan noong Mayo 30, sinabi ng financing and lending companies department ng SEC na ang lahat ng respondents ay bigong makapaghain ng kanilang reqirements sa komisyon nang tatlong beses sa loob ng five-year period.
Noong Oktubre 2023, lahat ng 401 kompanya ay hinimok na mag-avail ng amnesty program ng SEC upang maiwasan ang pagkakaroon ng ‘delinquent’ tag.
Sa ilalim ng programa, kailangan nilang magbayad ng discounted fees upang mapanatili ang kanilang corporate papers.
“All the respondents failed to avail of the amnesty,” ayon pa sa SEC.
“Hence, the respondents’ corporate status was changed to delinquent.” RNT/JGC