MANILA, Philippines – Tinuligsa ng Department of Justice ang pagpaslang matapos pagbabarilin si Mauricio “Morrie” Pulhin, ang Chief of Technical Staff ng House Committee on Ways and Means.
Ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, patuloy ang kanilang imbestigasyon upang tugisin at maaresto ang nasa likod ng krimen.
Nakikipagtulungan na aniya sila sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation upang makamit ang hustisya ng pamilya ni Pulhin.
Tinitiyak ng DOJ sa publiko na patuloy rin silang nag-iingat sa mga makakalap na impormasyon upang hindi makasira sa imbestigasyon ng mga awtoridad.
Nanawagan naman si Remulla sa sinumang may impormasyon ay makipagtulungan sa kanila para sa agarang pagresolba sa krimen at pagkamit ng hustisya ng pamilya ng biktima. TERESA TAVARES