MANILA, Philippines – Kinasuhan ng Graft sa Ombudsman ang Barangay Chairman at sampung iba pang opisyal dahil sa manipulation sa bidding ng proyekto sa Cebu.
Ito ay may kaugnayan sa ipinapagawang Barangay Day Care Center na hindi dumaan sa legal na proseso ng bidding.
Batay sa executive summary na isinumite ni NBI Regional Director Rennan Oliva ng Central Visayas Regional Office (CEVRO) Cebu kay NBI Director Jaime Santiago, paglabag sa anti-graft and corrupt practices o RA 3019; government procurement act o RA 9184; at grave misconduct o Republic Act 6713 ang isinampa sa Ombudsman laban kay barangay chairman na si Mario Maribao Temblor.
Bukod kay Temblor, damay din sa mga naturang kaso ang mga opisyal ng Bids and Awards Committee ng barangay na pinamumunuan ni Jay Buagas Diaz; kasama sina vice chairman na si Marifel S. Abalorio; Annie Laurie L. Benitez, secretary; EdgarbP. Bajao; Fidel B. Abrenica; Anar Rose Temblor; Miraflor G. Cutanda; Gerahon O. Mena; Rudy D. Ng, may-ari ng Sibalom Glass Aluminum Construction Supply and Services; at Charlie S. Tan.
Nag-ugat ang kaso sa rehabilitation ng Day Care Center ng Barangay Saavedra, Moalboal, Cebu, na hindi dumaan sa tamang proseso ng bidding at kaagad na iginawad ang proyekto sa lone bidder na si Rudy Ng, may-ari ng Sibalom Glass, Aluminum, Construction Supply and Services.
Ang rehabilitasyon ng Day Care Center ay mahigit isang buwan isinagawa ngunit lumalabas na tinapos lamang ng 11 araw ang pagkukumpuni na binayaran ng P280,639.01, ayon sa imbestigasyon ng NBI CEVRO.
Ayon sa NBI posibleng nagkaroon ng manipulasyon sa bidding process para sa proyekto lalo na at natukoy na magkakaibigan ang lone bidder at si Temblor, na maliwanag na paglabag sa batas.
Inireklamo sa NBI ang mga naturang opisyal ng barangay Saavedra ng mga complainant na sina Elma G. Nuevo at Josie C. Alvarico. Jocelyn Tabangcura-Domenden