MANILA, Philippines- Naglabas ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng panibagong Notice to Airmen (NOTAM) nitong Miyerkules kasunod ng pinakahuling pagputok ng Kanlaon Volcano.
Batay sa inilabas na NOTAM, saklaw nito ang mga flight na may mga vertical na limitasyon mula sa ibabaw hanggang 11,000 talampakan. Pinapayuhan nito ang mga flight operator na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan dahil sa posibleng panganib ng biglaang pagsabog at paglabas ng abo.
Batay sa inilabas na abiso, ang pinakabagong NOTAM ay magkakabisa mula Abril 9, 2025 simula alas-2:08 ng hapon hanggang Abril 10, 2025 sa ganap na alas-9 ng umaga.
Batay sa ulat ng PHIVILCS, nagkaroon ng explosive eruption ang Kanlaon, na matatagpuan sa Negros island, alas-5:51 ng umaga noong Martes at tumagal hanggang alas-6:47 ng umaga.
Nananatiling nakataas ang Alert Level 3 ang bulkang Kanlaon, na nangangahulugang mayroong high level ng volcanic unrest.
Kabilang sa mga posibleng panganib mula sa bulkan ang biglaang pagsabog, pagdaloy ng lava o pagbubuhos, ashfall, pyroclastic density current, rockfall, at lahar sa panahon ng malakas na pag-ulan. JAY Reyes