MANILA, Philippines- Naglabas ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Martes ng Notice to Airmen (NOTAM) para sa mga flight malapit sa Bulkang Kanlaon kasunod ng pagsabog nito.
Sa inilabas na abiso, sinabi ng CAAP na ang NOTAM ay magkakabisa mula alas-8:20 ng umaga sa Martes hanggang alas-5:51 ng umaga ng Miyerkules.
“Flight operators are advised to avoid flying near the volcano due to the potential hazards posed by volcanic ash,” ayon sa abiso.
Ayon sa PHIVOLCS, ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island ay nagkaroon ng explosive eruption alas-5:51 ng umaga noong Martes at natapos ang pagsabog dakong alas-6:47 ng umaga.
Nananatiling may bisa ang Alert Level 3 sa Kanlaon Volcano, na nangangahulugang mayroong mataas na antas ng volcanic unrest.
Kabilang sa mga posibleng panganib mula sa bulkan ang biglaang pagsabog, pagdaloy ng lava o pagbubuhos, ashfall, pyroclastic density current (PDC), rockfall, at lahar sa panahon ng malakas na pag-ulan. JAY Reyes