MANILA, Philippines – Hinikayat ng ilang senador ang Pangulo na lumikha ng isang cabinet education cluster na tutugon sa lumalalang krisis sa sektor ng edukasyon alinsunod sa napag-aralan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
Sa pahayag, hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano at ibang senador ang Pangulo na magtatag ng isang Cabinet Cluster para sa edukasyon upang matiyak ang magkaugnay at sistematikong pagpapatupad ng lahat batas, patakaran, reporma, at regulasyon sa sektor.
Inihain nitong Martes, July 30, 2024, layunin ng Senate Concurrent Resolution No. 21 na tugunan ang krisis sa edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga pangunahing departamento na tumutulong sa sektor na ito at sa pag-unlad ng mga manggagawa.
Bilang isang concurrent resolution, kailangan itong maipasa sa kaparehong anyo ng Senado at House of Representatives. Kabilang sa may akda ng resolusyon sina Senador Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, at Aquilino Pimentel III, na miyembro din ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
Ayon sa resolusyon, “The EDCOM II proposes the creation of a President’s Cabinet Cluster for Education to provide strong oversight on all education agencies under the Executive Department.”
Magiging daan ang iminungkahing Cabinet Cluster sa mga inisyatiba sa edukasyon at mga pangangailangan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbuo ng isang pangmatagalang plano para sa parehong sektor.
Ayon pa rin sa resolusyon, “EDCOM Il shall formulate priorities, discover educational benchmarks, synthesize insights, and propose legislative bills and policies to help uplift the Philippines’ education sector.”
Kabilang din sa mga responsibilidad ng EDCOM II ang magmungkahi ng mga transformative policy upang masolusyunan ang mga problema sa parehong sektor ng edukasyon at ng mga manggagawa.
Bilang co-chairperson ng EDCOM II, partikular na isinulong ni Cayetano ang pagsasama ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Budget and Management (DBM) sa iminungkahing education cluster.
Binigyang-diin din ng senador, na siyang namumuno sa Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, ang kahalagahan ng paglahok ng DOLE at DBM upang matiyak na tuloy-tuloy and pondo at pagtutugma sa mga layunin ng workforce development.
Tinukoy ng resolusyon ang Year One Report ng EDCOM II na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education” na inilathala nitong unang bahagi ng taon.
Binigyang-diin ng ulat ang pangangailangan para sa coordinated planning, pagsubaybay sa mga resulta ng pagkatuto, paghahanay ng edukasyon para sa mga guro, at pagbuo ng isang komprehensibong manpower plan para sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas
Tinalakay din ng EDCOM II ang ulat ng 1991 EDCOM na nagresulta sa mga mahahalagang reporma, tulad ng pagtatayo ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Layunin ng kasalukuyang panukala na palakasin ang naunang inisyatiba sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng coordinated planning, patuloy na pagsubaybay sa learning outcomes ng bansa, pag-aayon sa edukasyon ng mga guro, at pagtugon sa mga pangangailangan sa sektor ng mga manggagawa. Ernie Reyes