MAY listahan ng mga gumawa ng insertions sa mga pambansang badyet para sa buong bansa at galing ito kay nasawing Department of Public Works and Highways Undersecretary Cathy Cabral at hawak ni Batangas Congressman Leandro Leviste.
Kwento ng batang kongresman na anak ni Senadora Loren Legarda, ibinigay sa kanya ni Cabral ang rekord noong Setyembre 4, 2025 at ipinakita na niya sa Independent Commission for Infrastracture (ICI) noong Nobyembre 18-19, 2025 at sa Office of the Ombudsman (OMB) noong Nobyembre 26, 2025.
Kung iisipin, isang buwan na itong alam ng parehong ahensya imbestigador ngunit maliwanag na hindi umaksyon agad ang mga ito.
Ayon kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, ilang araw lang bago namatay si Cabral noong Disyembre 19, 2025 ay inimbitahan na ito noong Disyembre 15 ngunit hindi nagpakita.
Laman ng imbitasyon ang pagkakasangkot umano ni Cabral sa P95 milyong anomalya sa flood control project sa Bulacan at inirekomenda na itong masampahan ng kaso, kasama ang iba pa.
Wala namang balita kung may sariling pagkilos o inisyatiba ang OMB sa nasabing rekords.
MGA TAGA-PALASYO, KONGRESMAN, SENADOR, ATBP.
Dahil buong bansa ang insertion, naroon sa listahan hindi lang mga kongresman at senador, kundi taga-Palasyo at Secretaries at Undersecretaries sa labas ng DPWH at ilang indibidwal.
Kung totoo na may kasamang Secretaries at Undersecretaries at ilang inibibidwal sa labas ng DPWH, hindi lang mga purong proyekto sa ilalim pondo ng DPWH ang may insertions kundi iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Alalahaning, ang DPWH ang taga-gawa ng imprastraktura ng lahat ng ahensya ng pambansang pamahalaan, kasama ang Departments of Education, Interior and Local Government, Transportation, Health, Government Owned and Controlled Corporations, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Senado at iba pa.
Kung totoo ring ang insertions ay may kasamang kikbakan, apektado ang buong gobyerno, partikular ang pambansang pamahalaan.
Sa kikbakan, may mga matatanggal sa pwesto at posible pa silang makulong sa maigsing panahon o habambuhay, kasama ang kawalan ng karapatan na muling makabalik sa pwesto sa eleksyon o appointment.
ILANG MAHAHALAGANG USAPIN
May ilang mahalagang katanungan dito.
Nakapaloob sa sinumpaang salaysay at pirmado ni Cabral ang rekord? Paano kung hindi?
Isa pa: Nasaan ang mga file ni Cabral sa kanyang opisina na pupwedeng maging kakambal ng mga rekord na hawak ni Kong. Leviste at ano ‘yung ulat ni Kong na makaraang mag-resign si Cabaral noong Setyembre 16, 2025, nawawala na rin ang mga kompyuter na gamit niya?
Halimbawa namang may nawawalang rekords sa resignasyon at pagkamatay ni Cabral, pupwede bang hanapin ang mga laman ng rekord na hawak ni Kong sa mga lumabas na datos sa mga pambansang badyet o Government Appropriations Act, kasama ang mga unprogrammed funds?
At paano iugnay ang mga ito sa mga ghost at substandard project?
Pinakasensitibo rito ang kikbakan na higit sa nalalaman ni ex-DWH Usec. Robert Bernardo.
Pinal na tanong: Kong. Leviste, may kikbakan ba sa rekord na hawak ninyo?
Anak ng tokwa, ilabas niyo na ‘yan!






