SA gitna ng mga dinaranas nating kalamidad, bagyo man o lindol at iba pa gaya ng malakihang sunog na talaga namang mapaminsala, panahon na upang isiping dagdagan ang mga calamity fund na hawak ng mga pambansa, pang-rehiyon at pang-lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, ang Republic Act No. 101211 o “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010” ang umiiral na batas sa pagkakaroon calamity fund ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Sabi ng batas, mga brad, nakatuon sa desentralisasyon o pagpababalikat sa mga local government unit ang responsibilidad laban sa kalamidad.
Kay naman, inoobliga ang mga LGU na maglaan ng 5% ng kanilang regular na kita, kasama ang mga internal revenue allotment nila, para rito.
Mula sa 5 porsyento, kukuning ang 70% para sa paghahanda, pagpigil at pagbabawas ng epekto ng kalamidad habang 30% ang ilalaan para sa Quick Response Fund o agarang pagtugon sa mga biktima.
Paminsan-minsan lamang ang mga sunog, lindol at iba pa ngunit ang pagputok ng bulkan, pagdating ng mga bagyo at baha at katulad ng mga ito, alam ng lahat na matagalan o paulit-ulit ang mga ito.
Dito nagkakaubusan ang mga 5% calamity fund, lalo na sa mahihirap na LGU.
Ngayong palala nang palala ang mga kalamidad, lalo na ang mga likha ng bagyo, ulan at baha, nararapat lang na baguhin na ang nasabing batas at dagdagan ang pondong pangkalamidad.
May malinaw nang pagkukunan ng dagdag na pondo gaya ng mababawas na 50% pondo mula sa lahat ng imprastraktura at iba pang mga proyekto na kinulapulan ng mga malalang korapsyon at pandarambong gaya sa flood control projects na ghost, substandard at may overpricing pa sa halaga mismo ng proyekto at mga materyales sa paggawa ng mga ito.
Hindi dapat ma”swak” sa bulsa ng mga korap ang mga pondong nagmumula sa buwis ng mga mamamayan kundi sa kapakanan ng mga biktima ng kalamidad.






