Home METRO Calatagan isinailalim sa state of calamity sa ASF

Calatagan isinailalim sa state of calamity sa ASF

MANILA, Philippines- Nagdeklara ang munisipalidad ng Calatagan sa Batangas ng state of calamity dahil sa paglobo ng African Swine Fever (ASF) cases, kasama ang Lobo, na nauna nang nagdeklara nito.

Kasunod ang desisyon ng sesyon ng Sangguniang Bayan, na inaasahang magpapadali sa distribusyon ng tulong sa local hog raisers na apektado ng outbreak.

“Para po ma-cater ‘yung farmers na affected talaga para makapaglabas ng fund,” pahayag ni Dan Paul Badong, Municipal Information Officer ng Calatagan.

Ikinokonsidera rin ng Lian, isa pang bayan sa Batangas, ang pagdeklara ng state of calamity. 

Kasalukuyang nagsasagawa ang lokal na pamahalaan ng blood sampling sa mga baboy upang suriin pa ang sitwasyon. 

“Para din mayroon kaming makuhang pantustos doon sa mga kakailanganin sa baba at kung sakali pong mayroong suporta from province, kasi medyo malaki na rin ang sakop ng infestation doon sa amin, dalawang barangay pa laang,” ani Patricio Delos Reyes Jr., Local Disaster Risk Reduction Management (LDRRM) Officer ng Lian.

Batay sa Batangas Office of the Provincial Veterinarian, apektado na ng ASF ang pitong bayan sa lalawigan. 

Ang pinakabagong nadagdag ay San Juan, kung saan isang barangay ang nag-ulat ng mga positibong kaso. Narito ang mga apektadong lugar:

  • Lobo: 17 barangay

  • Calatagan: 5 barangay

  • Lian: 2 barangay

  • Talisay: 2 barangay

  • Rosario: 1 barangay

  • Lipa City: 1 barangay

  • San Juan: 1 barangay. RNT/SA