MANILA, Philippines- Bumaba ang bilang ng mga naiulat na text scams matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), batay sa datos mula sa Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Noong Hulyo, dalawang text scams ang naiulat sa PNP-ACG.
Mas mababa ito kumpara sa 13 text scams na naiulat noong Hunyo, 20 noong Mayo, at pito noong Marso.
Noong nakaraang taon, lumabas sa datos ng PNP-ACG na 22 text scams ang naitala noong Enero, siyam noong Pebrero, 24 noong Marso, 21 noong Abril, at 17 noong Mayo.
Binanggit ng PNP-ACG na kabilang lamang sa datos ang text scams na naiulat sa kanilang opisina at hindi ang mga ulat mula sa ibang cybercrime desks sa police stations.
Ipinagbawal ni Marcos ang lahat ng POGOs sa bansa matapos ang serye ng raids laban sa mga establisimiyento kung saan nadiskubre ng mga awtoridad ang mga kagamitang ginamit para sa torture, love scams, at iba pang krimen.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Hulyo, binanggit ni Marcos na nasangkot ang POGOs sa scamming, money laundering, proistitusyon, human trafficking, kidnapping, torture, at murder.
“The grave abuse and disrespect to our system and laws must stop. Kailangan na itigil ang panggugulo nito sa ating lipunan at paglapastangan sa ating bansa,” wika ni Marcos.
“Effective today, all POGOs are banned. I hereby instruct PAGCOR to wind down and cease all operations of POGOs by the end of the year,” dagdag niya.
Nitong Martes, inihayag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na bumaba ang bilang ng text scams kasunod ng POGO ban.
“Magmula po noong bi-nan ng Presidente, ang laki ng binagsak po ng mga nare-receive nating text scams,” ani PAOCC spokesperson Winston Casio sa ulat nitong Martes.
Mula nang ipagbawal ang POGOs, sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nabawasan din ang bilang ng mga nagrereklamo.
“Tahimik ‘yung mga phones natin for scam na promos, iba’t ibang uri ng promos,” pahayag ni DICT spokesperson Aboy Paraiso.
Libo-libong SIM cards ang nasabat sa POGO raids ng PAOCC, kabilang ang sinalakay na POGO sa Las Piñas. RNT/SA