MANILA, Philippines- Plano ng Commission on Elections (Comelec) na ideklarang ‘safe space’ ang bawat election campaign period sa bansa na magbabawal sa diskriminasyon sa mga kandidato at iba pang mga taga-suporta.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, imumungkahi nito ang ideya sa Commission en banc ngayong Abril 8.
Naniniwala si Garcia na susuportahan nito ang resolusyon ng komisyon na nagbabawal sa diskriminasyon at mudslinging sa mga karibal na politiko.
Ayon kay Garcia, bawat kandidato ay dapat magsilbing role model sa kanilang constituents.
Noong Lunes, naglabas ang Comelec ng dalawang show-cause orders laban kina Misamis Oriental governor Peter Unabia at Mataasnakahoy, Batangas vice mayor Jay Ilagan para sa kanilang ‘discriminatory’ remarks laban sa ilang mga sektor ng lipunan.
Ipinaliwanag naman ni Garcia kung bakit hindi agad dini-diskwalipika ng komisyon ang mga kandidato na may discriminatory remarks.
Paliwanag ng poll chief, ang due process ay binibigay kahit sa pinakakinamumuhiang kriminal ng lipunan.
Ayon kay Garcia, ang due process ay nasa Saligang Batas at lahat ay mabibigyan ng pagkakataon na madinig ang kanyang panig.
Samantala, pinangalanan ng Comelec si Noli Pipo bilang commissioner-in-charge sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na ngayong ay under control na ng komisyon.
Ayon kay Garcia, direktang mag-uulat si Pipo sa commission en banc sa pinakahuling development sa Datu Odin Sinsuat. Jocelyn Tabangcura-Domenden